Product description
Tatangayin kita patungo sa karagatan ng pag-ibig
gamit ang mga salita hanggang sa muli kang malunod
sa sakit at mga bakit. Pero ipapadama kong muli sa’yo
ang sayang hatid ng piliin mong umibig.
Kung papaanong kuminang ang mga mata mo ng
una siyang masilayan. Balikan natin ang mga
salitang bumuo sa kwento niyo pati na rin
ang pait ng piliin mong lumayo.
Uurong ka pa rin ba kapag iminulat ko na
ang iyong mga mata? Tuklasin ang mga talinhagang
sadyang pinagtakpan ang katotohanan.
Ang mga saan na hindi mo natagpuan. Ang mga kailan na
hindi mo naabutan. Ang mga paano na hindi mo naintindihan.
At ang sino na hindi mo inasahan na papalit sa’yo.
Katotohanang minsang binulag ng pagmamahal.
Lakarin mo ang hardin ng mga tugma na
naging mitsa nang pagpapalaya mo sa kanya.
Ang mga tanong na kailanman ay hindi niya binigyang
kasagutan. Ang sakit na hindi mawala-wala.
Mga luhang nag-iwan ng bakas sa iyong mukha.
At gamit ang mga tulang inilaan ko para sa’yo,
ipapaalala kong muli ang iba’t ibang uri ng pag-ibig na
namamayagpag sa lipunang hindi natin namamalayan ay
atin na palang nililimot kasama ng dating pag-ibig.